BNFM BICOL—Dead on arrival ang isang 33-anyos na motorista matapos aksidenteng mabangga ng minamaneho nitong motorsiklo sa isa pang motorsiklo sa Brgy. Pajo San Isidro, bayan ng Virac, Catanduanes.
Batay sa ulat ng mga otoridad, kinilala ang biktima na si Jeffrey Sorreda, mekaniko at residente ng Brgy. Talisoy, parehong bayan.
Habang binabaybay nito ang kahabaan ng kalsada sa harap ng Pajo Elementary School, aksidente umano itong sumalpok sa isa pang motorsiklo na nasa kanyang unahan na minamaneho naman ng isang Jaryl T. Bonavente, 25-anyos, residente ng Brgy. San Pablo, Virac.
Dahil sa lakas ng impact, pawang tumilapon ang mga nasabing indibidwal at nagtamo ng sugat sakani-kanilang katawan. Naisugod sa Eastern Bicol Medical Center si Sorreda, ngunit idineklara itong Dead on Arrival, habang patuloy namang nagpapagaling sa ospital sina Bonavente at ang back ride nito.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng PNP na walang lisensya at hindi rehistrado ang minamanehong motorsiklo ni Bonavente kaya’t doble paalala ang mga otoridad sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho lalo na ngayong madulas ang kalsada.###