Planong simulan ang konstruksyon ng EDCA Site sa 5th Infantry Division (5ID) Philippine Army na nakabase sa Brgy. Upi, Gamu, Isabela sa huling buwang ng taong kasalukuyan o unang quarter ng 2024.
Tatlong pasilidad ang itatayo ng 5ID kaugnay sa EDCA partikular ang Warehouse, C2 Fusion, at training facility sa 5th Division Training School kung saan dito isasagawa ang joint training ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., kinakailangan aniya na maipatayo na agad ang mga pasilidad upang hindi na maantala pa dahil mayroon namang nakalaan na pondo para rito.
Binisita na rin ni Sec. Teodoro ang mga lugar na pagtatayuan ng mga pasilidad sa 5ID, kahapon, August 15.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng limang base sa ilalim ng EDCA na kinabibilangan ng Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Benito Ebuen Air Base sa Cebu sa Visayas, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City sa Mindanao.
Inanunsyo rin noong Marso ang apat na karadagang sites ng EDCA kabilang ang Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela and Balabac Island sa Palawan.