Kalunos-lunos ang nangyari sa isang magsasaka sa Echague, Isabela matapos aksidenteng bumangga ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa nakaparadang jeep kagabi, November 15, sa kahabaan ng Barangay Sinabbaran ng naturang bayan.
Kinilala ang nasawi na si Faustino Managelod, 47-anyos, magsasaka, at residente ng P-3 Gumbaoan, Echague, Isabela, habang pagmamay-ari naman ni Jervy Balauag ang nabanggang jeepney.
Batay sa insiyal na imbestigasyon ng Echague PS, nagmamaneho si Managelod pauwi sa kanilang tahanan nang aksidente itong bumangga sa bumper ng nakaparadang jeep na naka-hazard light sa kanang bahagi ng kalsada.
Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Managelod at naisugod pa sa pagamutan subalit idineklara na rin itong Dead-on-Arrival ng kaniyang attending physician.
Hindi naman nasaktan ang drayber ng jeep na nasa kustodiya na ngayon ng Echague PS para sa karagdagang imbestigasyon.