Ipinaliwanag ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Incorporated na isa sa nakikitang pagtaas ng presyo ng produktong gulay sa rehiyon ay ang hindi sapat na suplay.
Sa isang pahayag kay NVAT General Manager Gilbert Cumila, mayroong mga naitalang pagkasira ng gulay na mula sa Baguio dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Egay at Falcon kaya’t nagkulang ng suplay.
Aniya, bukod sa lambak ng Cagayan kabilang sa mga bumibili ng produktong gulay sa NVAT ay mga galing sa Region 3, NCR at Region 4.
Nilinaw ng pamunuan ng NVAT na walang nangyayaring hoarding o pagtatago ng gulay dahil agad umano itong nabebenta upang maiwasan ang pagkasira pa.
Dagdag pa ni Cumila, mas mura pa rin ang presyuhan ng gulay, bigas at farm equipment sa NVAT kumpara sa iba kaya’t dito pa rin nag-aangkat ang mga negosyante.