Nasawi ang ginang na pandesal vendor makaraang mabagsakan ng puno ng niyog sa Brgy. Villa Carmen Ramon Isabela.
Ang nasawi ay si Ofelia Daculan 52 anyos at residente ng Brgy. Pagrang-ayan ng bayan ng Ramon.
Naganap ang insidente bandang alas 5:55 kaninang umaga, Hulyo 26, 2023 ayon sa isang pahayag kay Ms. Jevy Claudette Santiago Gabriel, ang Local Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Ramon.
Ang biktima sakay ng kaniyang bisikleta ay nagrorota sa pagtitinda ng pandesal sa Purok 2 ng Brgy. Villa Carmen nang aksidenteng nabagsakan ng malaking puno ng niyog dahil sa malalakas na hangin sa lugar dulot ng Bagyong Egay.
Nang rumespunde ang LDRRMO sa naturang insidente ay wala nang buhay ang biktima makaraan itong suriin dahil tinamaan ang ulo ng biktima na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkasawi.
Dadalhin ang bangkay ng biktima sa kanilang bahay bago ito dalhin sa punerarya.