Umaabot sa mahigit ₱100,000 na halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga otoridad mula sa isang 21-anyos sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Roque, Santo Tomas City, Batangas.
Kinilala lamang ng Sto. Tomas City Police Station ang suspek na si alyas ‘Lester’ na residente ng Brgy. Poblacion 4, Tanauan City.
Ayon sa ulat ng naturang himpilan, naaresto ang suspek matapos na magbenta ng iligal na droga sa isang pulis na nagkunwaring buyer, umaga nitong Linggo, Oktubre 15.
Narekober sa kanya ang apat na plastik na pakete na naglalaman ng hinihinalang Shabu na may timbang na humigit-kumulang 20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱136,000.00.
Nakumpiska rin sa suspek ang siyam na piraso ng pekeng pera at 1,000 pesos na pawang mga buy-bust money pati na ang gamit nitong itim na motorsiklo.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165 ang naarestong suspek.