Hindi maaaring kumuha ang mga bagong halal na mga SK officials ng kanilang Secretary at Treasurer na miyembro ng kanilang pamilya hanggang sa 2nd civil degree.
Ito ay batay sa inilabas na Memorandum Circular 2023-167 ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ipagbawal ang nepotismo.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, mahalaga na sundin ito ng mga officials dahil dito nakasalalay ang kanilang kredibilidad.
Sa panayam naman ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Mary Ann Olivas, ang SK Chairperson ng Brgy. Bagong Sikat, Alicia, Isabela, pabor aniya siya sa circular na ito upang mabigyan naman ng pagkakataon ang iba pang mga kabataan na nais maglingkod sa barangay.
Aniya, mainam din ito upang hindi lang umiikot sa iisang pamilya ang pribilehiyong maglingkod sa mga kaniya-kaniyang mga nasasakupan.
Kaugnay nito, sa loob ng 60 na araw ay kinakailangan nang magtalaga ang mga opisyal ng kanilang kalihim at treasurer.
Ilan sa mga kwalipikasyon ng pagiging secretary at treasurer ay dapat residente ng kanilang barangay at hindi nasangkot sa anumang gulo o isyu.