Nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng Santiago City Police Station hinggil sa pagpatay sa isang estudyante na natagpuang nakagapos at nakatali ang ulo sa isang puno sa Barangay Buenavista, Santiago City.
Sa isang pahayag, sinabi ni PMaj. Fedimer Quintevis ang tagapagsalita ng Santiago City Police Station na ang biktima ay 19-anyos na dalaga, nursing student at residente ng San Mateo ngunit kasalakuyang nangungupahan sa Santiago City kung saan ito nag-aaral.
Aniya, mismong pamilya ng biktima ang nagkumpirma sa kanilang himpilan sa pagkakakilanlan nito.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na pasado alas-kwatro ng madaling araw noong linggo nang magpaalam itong lalabas upang magtungo sa simbahan at nagawa pa nitong magpadala ng larawan ng body number ng kaniyang sinakyang traysikel sa kaniyang pamilya.
Natunton naman ng kapulisan ang may-ari ng traysikel ngunit iginiit nito na hindi siya ang suspek dahil ninakaw umano ang kaniyang traysikel.
Matatandaan na una nang natagpuan ang bangkay ng biktima na itinali sa puno ng saraisa kung saan tinatayang anim na oras na itong patay bago makita ng isang concerned citizen.
Nadiskubre pa sa pinangyarihan ng krimen ang isang baton a hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima.
Sa ngayon ay magsasagawa pa rin ng autopsy upang makumpirma ang sanhi ng pagkamatay nito at posibilidad na ito’y ginasa dahil ayon sa kapulisan hindi pa tiyak kung ginahasa ang dalaga dahil maayos naman umanong nakasuot ang saplot nito nang matagpuan.