CAMARINES NORTE- Walang naitalang firecracker related injury sa lalawigan ng Camarines Norte sa pagdiriwang ng kapaskuhan at mula noong simulan ang monitoring kaugnay dito noong December 21.
Batay ito sa impormasyon mula sa Emergency Room ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) na isa sa sentinel site ng Department of Health (DOH) o ang itinalagang magtala na may kaugnayan sa paputok.
Sa kabila naman ng mahigpit na paalala kapwa ng DOH at ng Provincial Health Office gayundin ng iba pang ahensiya ng gobyerno ay may ilan pa ring hindi napigilang magpaputok.
Kapansin- pansin naman na sa ngayon ay matumal pa ang bentahan ng paputok dito sa lalawigan.
Inaasahan kasi na dadagsa ang mga bumibili ng paputok sa bisperas ng bagong taon.
Kung maalala ay nakapagtala ng isang firecracker related injury sa lalawigan noong nakaraang taon na ang biktima ay isang 17 anyos mula sa bayan ng Daet na nadale ng kwitis.
Samantala, mayroon naman ngayong apat na COVID- 19 suspect sa CNPH.
Ito ay makaraan ang isang linggo na walang COVID patient sa nabanggit na ospital.
Maliban kasi sa iwas paputok campaign ay maigting rin ang kampanya ng pamahalaan kontra covid- 19.
Dati nang nagbabala ang DOH na posible ang muling pagtaas ng kaso ng COVID- 19 pagkatapos ng holiday season dahil sa kaliwa’t kanang party at pagtitipon.
Ito ay kung hindi seseryosuhin ang pagsunod sa minimum health standards.
