Nilinaw ng mataas na opisyal ng World Health Organization na hindi nito pwedeng pilitin ang China na maglabas ng karagdagang impormasyon kaugnay sa pinagmulan ng COVID-19.
Sinabi ni Mike Ryan, director ng emergencies program ng ahensya, na walang kapangyarihan ang WHO para pilitin ang kahit sino na magsalita tungkol sa isyu.
Pero ayon kay Ryan, inaasahan nila na ibibigay ng lahat ng member states ang kanilang buong kooperasyon, input, at suporta.

Mababatid na meron naglabasan mga teorya tungkol sa pinagmulan ng virus, kabilang na ang pagkalipat-lipat umano nito mula sa iba’t-ibang mga hayop, na posibleng nagsimula sa mga paniki.
Meron rin mga teorya ang nagsabi na nagmula ang virus sa isang laboratoryo sa Wuhan, China.
Matatandaan na sinabi ng mga miyembro ng WHO team na bumisita sa China kamakailan para pag-aralan ang origins ng COVID-19, na hindi sila nabigyan ng access sa lahat ng datos, na dahilan para lalong uminit ang mga debate kaugnay sa transparency ng naturang bansa.