Umaasa ang mga atleta na nagdala ng karangalan sa bansa dahil sa kanilang tagumpay sa katatapos lang na Tokyo Olympics, na maibabalik ang boxing at weightlifting sa collegiate leagues tulad ng NCAA at UAAP.
Ayon kay Eumir Marcial na nakasungkit ng broze medal sa men’s boxing middleweight division, na maraming boksingero ang magagaling sa bansa, ngunit gusto rin nila na mag-aral.
Ipinunto naman ni Nesthy Petecio, na nakakuha ng silver medal sa women’s featherweight division sa Tokyo Games, na halos pili lang ang mga paaralan at unibersidad na nagbibigay ng scholarship sa boxing.

Anya, umaasa siya na magiging available na ito sa lahat ng mga unibersidad at paaralan.
Halos pareho din ang pananaw ng kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas na si Hidilyn Diaz kung saan ay sinabi niya na dapat ay maipasok na rin ang weightlifting sa Palarong Pambansa at NCAA.
Tiwala si Hidilyn na makakatulong ito upang masimulan ng mga bata ang kanilang mga pangarap, at magkaroon ng oportunidad na makapag-aral sa eskwelahan na kanilang gusto bilang mga scholar.