VP Sara: ‘wag kumuha ng testigong walang kredibilidad!’

Umapela si Vice President Sara Duterte sa mga mambabatas na tigilan na ang pag-iimbita at paggamit sa mga testigong wala umanong kredibilidad o kuwestyonable ang layunin.

Sa isang statement, inihalimbawa ni VP Sara ang kaso ni dating Education Undersecretary Gloria Jumamil Mercado na tinanggal sa puwesto at bahagi na umano ngayon ng “political machinery” laban sa kanya.

Nais aniya ng Kongreso na paniwalaan ng publiko si Mercado at kalimutan na umamin itong masama ang kanyang loob sa pagkakasibak sa puwesto.

Paliwanag ni Duterte, nasipa sa posisyon si Mercado matapos umanong humingi ng 16 million pesos mula sa isang pribadong kumpanya na labag sa batas.

Dagdag pa nito, kilala si Mercado sa kanyang ugali ng paninira sa mga kasamahan sa trabaho kabilang ang kapwa matataas na opisyal ng DepEd.

Punto ng bise-presidente, sana ay tigilan na ang pagtatampok ng mga testigo laban sa kanya na makakasira sa buhay ng mga karaniwang empleyado sa DepEd.