Pinabulaanan ni Vice President Leni Robredo ang kumakalat na social media post kung saan ay sinabi na hinihingian siya ng P1-billion ng isang “presidential contender” kapalit ng pagiging running mate niya sa eleksyon sa susunod na taon.
Sinabi ng bise presidente sa isang Facebook post na walang katotohanan ang kumakalat na kwento.

Tinukoy ni Robredo ang viral post bilang disinformation, at sinabi na walang “monetary consideration” sa lahat ng mga dinadaluhan niyang pakikipagpulong kasama ang potential players sa 2022.
Samantala, natanong rin ang presidential aspirant na si Manila Mayor Isko Moreno tungkol sa post, na bagay naman na kaniyang itinanggi.
Iginiit ni Moreno na kahit kailan ay hindi siya kinausap ni Robredo para maging vice president nito para sa darating na halalan.