Inaasahan na ng Commission on Election na ilang araw bago ang deadline ng voters registration sa Setyembre ay dadagsa ang mas marami pang aplikante.
Sinabi ni Comelec education and information department assistant director Frances Arabe na nakasanayan na nila na sa tuwing lumalapit ang deadline ay mas dumarami ang mga tao na nagpupuntahan sa kanilang mga opisina.
Sa isang town hall forum, ay naiulat ni Arabe na umabot na sa 893,448 na indibidwal mula sa Kabisayaan ang nagparehistro base sa huling tala noong July 24.

Makikita sa datos ng Comelec na ang Central Visayas ang may pinakamaraming aplikante na aabot sa 394,090, na sinundan naman ng Western Visayas na may 290,894, at Eastern Visayas na may 208,464.
Para naman sa buwan lamang ng Hulyo, ay sinabi ni Arabe na umabot lamang sa 54,990 ang mga aplikante nito.
Mula sa nasabing bilang, ay naiposte sa Central Visayas ang pinakamalaking bilang ng mga aplikante na umabot sa 25,830, na sinundan naman ng Eastern Visayas na umabot sa 14,110, at Western Visayas na umabot sa 14,050.
Hinimok naman ni Arabe ang mga hindi pa nakakapagrehistro na nais magparitisipa sa halalan sa susunod na taon na magparehistro na habang maaga pa para maiwasan ang paghahabol.