Tiniyak ng Quezon City Police District na mapananagot ang drayber ng truck na nanagasa ng isang traffic enforcer kahapon. Sa isang nag-viral na CCTV footage, makikita ang pagsagasa ng truck na minamaneho ni Joel Dimacili sa enforcer na si Jeffrey Antolin sa pedestrian lane.
Pinahinto niya ang mga sasakyan para magbigay daan sa mga taong tatawid sa tamang tawiran.
Na-tulak pa ng enforcer ang isang siklista para lamang hindi mahagip ng truck. Naisugod pa sa ospital ang enforcer ngunit binawian din ng buhay.

Ayon kay QCPD district director Nicolas Torre, isasailalim sa masinsinang forensic examination ang drayber ng truck.
Duda naman ang mga imbestigador sa alibi ng drayber na nawalan ito ng preno dahil mabagal naman ang takbo ng truck bago nito mabangga ang biktima.
Samantala, una nang tiniyak ni QC Traffic and Transport Management officer-in-charge Dexter Cardenas na sasagutin ng LGU ang mga nagastos sa ospital at pagppalibing sa pumanaw nilang enforcer.