SORSOGON CITY – Halos sabay-sabay ang naiulat na engkwentro sa lalawigan ng Masbate nitong umaga ng Marso 22, 2023.
Kinumpirma ng 9ID, Philippine Army ang nangyaring engkwentro sa bayan ng Placer at Dimasalang.
Sa report na ipinalabas ng 9IDPA, nangyari ang engkwentro sa pagitan ng 2IB at 11 NPA dakong alas 7:15 ng umaga sa Brgy Locsoan, Placer at sinundan naman alas 10:40 ng umaga sa Brgy Gaid, Dimasalang.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang 2IB, PA na may mga grupo ng lalaki na nagdidikit ng mga papel sa nasabing lugar tungkol sa paparating na anibersaryo ng NPA sa Marso 29 na agad namang nirespondehan ng tropa subalit hindi pa sila nakakalapit ay pinasabugan na sila.
Nagresulta ito sa pagkasugat ng dalawang sundalo na kinilalang sina PFC Mardie Lumapag at Pvt Angelito Tabanao subalit ayon sa impormasyon, nasa maayos na na kalagayan ang dalawang sundalo dahil natamaan lang ng shrapnel ang mga ito mula sa pinasabog na improvised na bomba ng mga rebelde.
Samantala, kinumpirma naman sa Brigada News ng Municipal Police Station ng Dimasalang ang engkwentro na nangyari sa kanilang area of responsibility (AOR).
Nagsasagawa umano sila ng pagpapatrolya lulan ng mobile patrol at nang huminto sila dahil sa nakitang tarpaulin ng mga NPA ay agad silang pinasabugan at pinagbabaril, dito na nasugatan sina PSSgt Leo Almario II at Pat Jasper Gigante.
Kaugnay nito, muling nagpaalala si Major General Adonis Bajao, Commander ng 9IDPA at Joint Task Force Bicolandia sa publiko na maging maingat at mapagmatyag sa kapaligiran at agad ipaabot sa kinauukulan ang mga kahina-hinalang kilos sa kanilang lugar.