CAMARINES NORTE- Hindi nadagdagan ang 44 na variants of concern ng COVID- 19 sa lalawigan ng Camarines Norte mula noong huling bahagi ng 2021.
Batay sa pinakabagong Bioseuveillance report ng Department of Health as of March 11, 2022, walang bagong variant na nadagdag sa lalawigan at ang bilang ng mga nagpositibo sa Beta at Delta ay napanatili.
Ito ay kahit nagkaroon ng surge ng mga kaso sa pagpasok ng 2022 na pinaniniwalaang dahil sa Omicron variant.
Nanatili sa 37 ang mga kaso ng Delta na nagmula sa mga bayan ng Basud, Daet, Jose Panganiban, Labo, Mercedes, Paracale, Sta Elena, Talisay at Vinzons.
Pito naman ang kaso ng Beta na nagmula sa Daet, Jose Panganiban, San Vicente at Sta Elena.
Pero paglilinaw ng DOH na ang bilang na ito ay base sa specimen na isinumite sa Philippine Genome Center at hindi nagpapakita ng kabuuang bilang ng circulating variants sa komunidad.
Maaari umanong i- revise ang datos na ito base sa ginawang imbestigasyon.
Kaugnay nito ay patuloy ang paalala ng ahensiya sa publiko na huwag pa ring maging kampante kahit patuloy sa pagbaba ang mga naitatalang kaso ng COVID- 19.
Nakabase rin daw kasi sa “behavior” ng mga tao kung tataas pang muli o hindi na ang bilang ng naturang sakit.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na muling magkaroon ng pagtaas ng mga kaso ng COVID- 19 kung mayroong bagong variant na madidiskubre.
