Pormal nang itinalaga ng Malacañang bilang bagong officer-in-charge ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) si Deputy director general Undersecretary Ernesto Perez.
Ito ay kasunod ng pagsuspende kay Sec. Jeremiah Belgica bilang Director General ng ARTA.
Base sa impormasyon, pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang appointment paper para kay Perez.
Magsisilbi si Perez bilang ARTA OIC hanggang June 30, 2022, o hanggang sa matapos ang Duterte administration.
Batay sa memorandum, itinalaga si Perez bilang ARTA OIC upang masiguro ang patuloy at epektibong serbisyo publiko ng mga nanunungkulan sa gobyerno.
Nagpasalamat naman si Perez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpili sa kanya bilang ARTA chief.
Aniya, titiyakin niyang maipagpapatuloy ng ARTA ang mga minimithi nitong reporma para sa mas maunlad na Pilipinas.(CLAY MARQUEZ)
#