Tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) sa nalalapit na inagurasyon nila President elect Bongbong Marcos Jr. at Vice President elect Sara Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP Directorate for Operations Police Major General Valeriano de Leon na sa kasalukuyan ay patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa dalawang kampo at marami rin silang isinasagawang pulong hinggil sa oath taking.
Ipinunto ni De Leon na maraming silang ikinokonsidera kaugnay sa inagurasyon kagaya ng health protocols at ng mga magiging bisita.
Maraming aniyang mga diplomats at pamilyang inaasahang dadalo sa inagurasyon.
Kaya naman sinabi ni De Leon na magkakaroon sila ng sistema para ma-manage ang traffic at ma-ensure ang seguridad ng mga manonood.
Base sa planong inilatag ng PNP, limang araw bago ang inagurasyon, magpapalabas sila ng abiso kung aling mga kalsada ang hindi pupwedeng daanan sa nuturang araw.
Bukod dito, sinabi pa ng opisyal na sususpendihin sa araw ng inagurasyon ang pagdadala ng armas kahit pa mayroong pemit to carry.
Sa huli, muling inihayag ng PNP na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na ‘threat’ o banta sa seguridad sa inagurasyon ng mga susunod na lider ng bansa.(CLAY MARQUEZ)
#