Mariing itinanggi ni House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co na may nangyaring panggigipit sa ilang opisyal ng Philippine National Police upang tumestigo sa İnternational Criminal Court laban sa administrasyong Duterte.
Kasunod ito ng alegasyon ni Senador Bato Dela Rosa na kinausap umano nina dating Senador Antonio Trillanes IV at National Intelligence Coordinating Agency Director General Ricardo De Leon ang mga retirado at aktibong PNP officials para idiin sila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Naroon umano sina Co at House Speaker Martin Romualdez nang mangyari ang pag-uusap.
Ayon kay Co, dalawang beses silang nagkita ni dating CIDG Chief Police Major General Romeo Caramat kabilang na noong 2023 nang ipakilala siya ni Representative Erwin Tulfo.
Hiniling aniya ni Caramat ang endorsement ni Co para maging susunod na PNP Chief.
Ang pangalawang beses ay sa townhouse ni Speaker Romualdez nito lamang mga nakaraang buwan kung saan narinig umano ni Co na sinabi ni Caramat na handa nitong isiwalat ang mga nalalaman tungkol sa extrajudicial killings kapalit ng appointment bilang hepe ng pambansang pulisya.
Punto ng kongresista, ibinasura ito ni Romualdez dahil ang appointments ay nakabatay sa tiwala at kumpiyansa ni Pangulong Bongbong Marcos at hindi siya maaaring mag-endorso kapalit ng ilang konsiderasyon.
Bukod sa walang nabanggit hinggil sa pagtestigo sa ICC laban sa sinuman, iginiit ng Appropriations Chair na niya kailanman nakasalamuha sina dating PNP Chief Oscar Albayalde, dating NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo at dating PNP Chief Intelligence Officer Eleazar Mata.