Umano’y panununtok ng miyembro ng Manibela sa isang radio reporter, dapat isalang sa impartial probe – kongresista

Nabahala si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa ulat na isang radio reporter ang umano’y sinaktan ng mga miyembro ng transport group na Manibela sa kasagsagan ng kanilang kilos-protesta.

Ayon kay Castro, hindi dapat kunsintihin ang pag-atake sa sinumang sibilyan lalo na ang mga miyembro ng media na ginagawa lamang ang trabaho sa pag-uulat ng mga isyu na may interes ang publiko.

Panawagan nito ang pagkasa ng patas at walang pinapanigang imbestigasyon sa insidente.

Kinikilala rin ng kongresista ang lehitimong hinaing ng mga jeepney driver at operator na kasapi ng Manibela na matagal nang umaapela ng suporta mula sa gobyerno dahil sa pag-phase out sa mga jeep.

Hinimok ni Castro ang nga awtoridad na tukuyin ang mga sirkumstansya at kontekstong bumabalot sa sinasabing panununtok sa reporter na si Val Gonzales at ang resulta ay dapat ipaalam sa publiko para sa transparency.

Muli namang iginiit ng Makabayan solon na suportado nila ang karapatan at kapakanan ng transport workers pati na ang paninindigan na magkaroon ng “pro-people” at “pro-worker” transport program na hindi magiging pabigat sa mga driver at operator.

Dagdag pa nito, dapat pakinggan na ng administrasyong Marcos ang hinaing ng transport workers sa pamamagitan ng pagbasura sa phase out ng mga jeepney at sa halip ay magkaloob ng sapat na modernization subsidies at assistance.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *