Total ban sa POGO, muling inihirit kasunod ng nadiskubre sa Tarlac at Pampanga

Muling nanawagan si Cagayan De Oro Second District Representative Rufus Rodriguez kay Pangulong Bongbong Marcos na patawan na ng total ban ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.

Ito’y kasunod ng naisiwalat na kontrobersya sa POGO hubs sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga na sinalakay ng mga awtoridad kung saan nadiskubre ang mga ilegal na aktibidad.

Ayon kay Rodriguez, ang ikinasang raid sa Bamban at Porac gambling hubs ay patunay na balatkayo lang ang mga POGO para pagtakpan ang ilegal na aktibidad gaya ng money laundering, illegal immigration at employment, prostitusyon, extortion at kidnapping.

Read More:  NAPOLCOM backs Truth Commission, affirms commitment to accountability

Mayorya aniya ng mga negosyo ay pag-aari at pinatatakbo ng Chinese nationals na kumukuha ng sariling kababayan at ibang dayuhan na ipinupuslit sa bansa ng mga sindikato.

Punto ng kongresista, mas lamang ang negatibo o masamang epekto ng POGO sa lipunan kaysa revenue o kita na dinadala nito.

Read More:  Construction begins on rental housing for families affected by NSCR Extension Project

Sa pag-ban sa POGO ay hindi lamang umano matitigil ang “consequences” kundi pati na ang proteksyong ipinagkakaloob ng mga tiwaling pulis at opisyal ng gobyerno.

Dagdag pa ni Rodriguez, masosolusyunan ang hinaing ng ilang grupo na nagagamit ang offshore gambling sites upang mag-espiya sa mga sensitibong ahensya tulad ng Malacanang, Department of National Defense at militar.