Dapat imbestigahan ng Energy Regulatory Commission o ERC ang mataas na singil sa kuryente ng Manila Electric Company o MERALCO.
Ayon sa Philippine Rural Electric Cooperative Association Incorporated o PHILRECA, hindi pangkaraniwan ang mahal na singil sa kuryente ng MERALCO.
Sinabi ni PHILRECA Representative Presley De Jesus na kung kaya ng mga maliliit na electric cooperatives sa mga probinsya na magbigay ng murang kuryente sa mga residential customers, mas dapat na kaya ito ng MERALCO na ibigay lalo pa’t ito ang pinakamalaking power company.
Iginiit ni De Jesus ang tinatawag na economies of scale kung saan sa laki ng saklaw ng MERALCO at laki ng demand, dapat mababa ang cost of power.
Ang mga electric cooperatives aniya ay may residential rates na P6.50 per kilowatt hour kumpara sa MERALCO na isang mega franchise na may 7.7 million subscribers as of 2023.
Dahil dito, pabor ang PHILRECA na marepaso ang prangkisa ng MERALCO at ang posibleng paghahati nito sa tatlo para umano sa mas maayos na serbisyo at mas mababang singil sa kuryente.