Tuko, dahilan ng ilang araw nang pananakit ng tenga ng isang lalaki sa Thailand

Bangkok, Thailand – Viral at pinag-uusapan ngayon sa iba’t-ibang social media portals sa bansang Thailand ang Facebook post ng isang doktor tungkol sa kanyang kakaibang karanasan sa mundo ng medisina.

Sa unang pagkakataon kase ay nagkaroon siya ng engkwentro sa isang babaeng ilang araw nang iniinda ang pananakit ng tenga.

Ayon kay Dr. Varanya Nganthavee, tiningnan niya ang loob ng tenga ng babae sa pamamagitan ng otoscope upang masuri ang ear canal nito at makita ang posibleng dahilan ng pananakit ng kanyang tenga.

Dito natuklasan ng doktor ang tila buhay at gumagalaw na bagay sa loob ng tenga ng kanyang pasyente. Ang buong akala niya umano, ito ay isang maliit na insekto lamang kaya’t nilagyan niya ito antibiotic drugs saka pinatigilid ang babae sa pag-aakalang mahuhulog ito ng kusa.

Nang hindi ito lumabas, saka siya nagpasyang hilahin ito sa pamamagitan ng tweezers. Laking gulat ng doktor nang makita na isa palang tuko o ‘gecko’ ang nasa loob ng tenga ng pasyente.

Matagumpay naman itong naalis ng doktor habang batay sa isinagawang pagsusuri, wala namang naiwang parte ng tuko sa loob ng tenga ng babae at wala rin itong natamong komplikasyon mula sa naturang insidente.### Jumel Dela Rosa, BNFM Bicol