Umapela ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng P470 na daily minimum wage hike sa National Capital Region (NCR) na dahilan para umangat ito sa P1,007.
Inihain ng labor group ang kanilang petisyon para sa wage hike sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-NCR office na nakabase sa Maynila.
Idinahilan ng TUCP sa petisyon ang problema sa kagutuman, malnutrition, at pagsipa ng presyo ng langis at ng iba pang bilihin.
Iginiit ni TUCP President Raymond Mendoza na bumagsak na ang minimum wage earners at ang kanilang pamilya sa kategoryang low-income to newly poor.
Ayon kay Mendoza, nakalulungkot isipin na naghihirap na ang mga Pilipino na nagbabanat ng buto para lamang mapanatili at mapalawak ang takbo ng ekonomiya.
Base sa panuntunan ng National Wages and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay naglalaro sa P500 – P537 ang daily minimum wage sa NCR.
Binigyang diin ng TUCP na ang kasalukuyang monthly take-home pay na P12,843.48 ay malayo sa P16,625 poverty treshold para sa pamilya na may limang miyembro sa Metro Manila.
