Mariing itinanggi ng tsuper ng kotse na nabangga ng motorsiklo at nagresulta sa pagkasawi ng isang pulis noong gabi ng July 23, 2021 sa national highway Barangay Sillawit, Cauayan City na tumakas ito pagkatapos ng insidente.
Magugunitang nasawi si PCpl. Carlo Angelo Gaffud, 29-anyos, isang PNP member ng Cabatuan Police Station at residente ng brgy. Nungnungan 2, Cauayan City matapos nitong aksidenteng mabangga ang kanang bahagi ng sinusundang kotse na minamaneho ni Ronnie Aquino Jr., 23-anyos, medical technologist at residente ng Luna, Isabela.
Sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabagtas ng dalawang behikulo ang naturang lansangan ay iniwasan umano ng biktima ang barikada subalit aksidenteng natagis at nabunggo ang kotse.
Ayon pa sa report ng pulisya, pagkatapos umano ng insidente ay tumakas ang suspek at naharang na lamang ng mga kasapi ng PNP Reina Mercedes.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Aquino, pinabulaanan nito ang naunang ulat na siya ay tumakas bagkus ay naghintay pa umano siya ng 10 minuto pagkatapos ng aksidente subalit wala pang dumating na rescue.
Kinausap umano niya ang nakasaksi at iniwan na lamang ang kaniyang cellphone number para kontakin ng pamilya ng biktima.
Iniisip umano kasi nito ang pagtungo sa City of Ilagan kung saan siya nagtatrabaho dahil strikto ang checkpoint doon.
Naghanap din daw siya ng vulcanizing shop para ma-repair ang gulong ng kaniyang sasakyan at pagkatapos nito ay umalis na siya patungo sa Ilagan City.
Nang nasa checkpoint ng PNP Reina Mercedes ay hindi pa naman umano siya hinarang subalit huminto umano siya nang makitang sinusundan siya ng mga pulis.
Nagtaka raw siya nang tutukan ito ng baril ng kapulisan at sinasabing suspek siya sa pamamaril sa isang pulis ngunit ipinaliwanag umano niya na vehicular accident ang nangyari at kusa naman itong sumuko.
Batid naman ni Aquino na nagkamali siyang iniwan ang biktima at inaming wala pang professional drivers’ license.
Nakatakda namang mag-usap ang dalawang panig ngaong araw kabilang ang tsuper ng tricycle na nadamay sa aksidente.
Gayunman, inihahanda na ang PNP Cauayan ang pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Physical Injury laban kay Aquino.