Paniningil ng FISCAP sa kontribusyon ng mga miyembrong Senior Citizen sa Lunsod, ipinatigil na

Ipinatigil na ng Sangguniang Panlunsod ng Cauayan City ang paniningil ng Federation of the Senior Citizen Association (FISCAP) ng kontribusyon sa mga miyembro nito na senior citizen dahil wala na umanong pondo ang organisasyon na ibibigay para sa benepisyo ng kanilang mga pumanaw na miyembro.

Ito ang kinumpirma ni OSCA President Edgardo Atienza Sr. sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.

Aniya, sa ginanap na committee hearing kaninang umaga kasama ang mga president ng senior citizen sa bawat barangay, mga opisyal ng FISCAP at Sangguniang Panlunsod ay napagdesisyunan na pormal nang itigil ang paniningil ng kontribusyon.

Ayon kay Pres. Atienza, sa 11,105 na senior citizen sa lunsod ay mahigit 4,000 rito ang miyembro ng FISCAP at tinatayang nasa mahigit 2,000 pa ang hindi nakatanggap ng benepisyo rito sa kabila ng kanilang pagbabayad ng kontribusyon kada taon.

Read More:  Missing 19-year-old woman found dead in Cebu

Dagdag pa nito, maging ang presidente umano ng FISCAP ay hindi mabatid ang eksaktong bilang ng kanilang miyembro.

Tanging paliwanag umano ng FISCAP kaya nagdeklara ito ng bankruptcy ay dahil ibinayad na raw ang pondo sa mga nasawi nilang miyembro at hindi maayos na implementasyon ng panuntunan ng pederasyon.

Ayon pa kay Pres. Atienza, hindi umano isinasangguni sa OSCA ang mga aktibidades ng FISCAP kung saan ang binabayarang kontribusyon ng kanilang miyembro ay direkta nang napupunta sa asosasyon.

Read More:  Caretaker dies after stabbing incident in San Vicente, Palawan

Sa ngayon ay hindi pa umano alam kung saan kukuha ng pondong ipambabayad sa mga miyembrong namatay na at tanging aksyon na lamang ay kakausapin ang pamilya ng mga ito at ibabalik ang kanilang mga naging kontribusyon.

Samantala, ayon pa kay OSCA Pres. Atienza nakatakdang magkaroon ng pagpupulong kasama ang mga presidente ng senior citizen sa bawat barangay ngayong linggo upang talakayin ang pagbuo ng bagong organisasyon ng senior citizen kung saan hindi na magbabayad pa ang mga miyembro nito.

Tiniyak naman nito na ang mga opisyal ng FISCAP ay hindi na mapapabilang pa sa bubuuing bagong organisasyon.