LEGAZPI CITY – Kumikilos na ang mga otoridad upang aksyunan ang nakaparadang truck sa Brgy. Cullat, Daraga, Albay na halos ilang buwan nang nakatengga sa kalsada at matagal na ring inirereklamo ng barangay pati na ng mga residente.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Kapitan Luis Espejo, sinabi niya na matagal na itong nakaparada sa lugar mula nang masiraan ito ilang buwan na ang nakakaraan.
Nakausap niya na rin noon umano ang Philippine National Police para rito, at ang mga pulis naman ay nakipag-coordinate na sa may-ari ng truck pero ang sabi raw nito, wala siyang pera panghila at pampaayos.
Ani Espejo, hindi naman ito balidong rason, lalo pa’t obstruction ito sa kalsada. Sinabi niya, nagsasagawa rin sila ng road clearing at base sa memorandum, kinakailangang alisin ang lahat ng mga nakaka-obstruct sa daan.
Marami umanong mga sumusunod, maliban nalang sa truck na ito. Makailang ulit na rin nila itong sinabihan lalo’t accident-prone ang kanilang barangay ngunit pare-parehong dahilan naman ang ibinibigay.
Sa ngayon, hindi pa naman agad naaalis ang truck, subalit umuusad naman na ang aksyon para rito sa tulong ng PNP at inaasahang maiaalis na ito sa lalong madaling panahon.