Arestado ang isang tricycle driver na kabilang sa High Value Individual matapos mabilhan ng ipinagbabawal na marijuana at masamsaman ng di lisensyadong baril sa District 2, Gamu, Isabela ngayong araw.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan mula sa Police Regional Office No. 2, kinilala ang nahuling suspek na si Jemart Villanueva, 28 anyos at residenten ng Purok 4, Upi, Gamu, Isabela.
Si Villanueva ay nahuli ng mga kasapi ng Gamu PNP katuwang ang Isabela Provincial Intelligence Unit ng IPPO, 1st Provincial Mobile Force Company at PDEA Region 2 matapos mabilhan ng isang piraso ng zip-locked transparent na naglalaman ng hinihinalang dahon ng marijuana na may fruiting tops.
Nakumpiska rin sa kanyang direktang pag-iingat ang 500-peso bill na marked money; dalawa pang piraso ng plastic sachet na umano’y naglalaman ng marijuana leaves; at isang unit ng improvised shotgun na may isang bala.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP-Gamu ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o mas kilala sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa kanya.
Image: PRO 2