Handa ang mga transport groups na i-atras ang inihaing petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa dagdag-singil sa pamasahe kung matutuloy ang ipinangakong subsidiya ng pamahalaan.
Ayon kay Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) President Lando Marquez hindi na nila isusulong ang fare hike basta’t tuparin lamang ng gobyerno ang pagbibigay ng ayuda sa mga tsuper at operators.

Ito ay alinsunod na rin sa napagkasunduan sa isinagawang executive session sa Kamara kasama ang House Committee on Transportation, transport groups at mga kinauukulang ahensiya.
Paliwanag ni Marquez na malaking bagay para sa kanila ang ibibigay na ayuda at subsidiya lalo na ngayong halos linggo-linggo ay naitatala ang pagtaas sa presyo ng langis.
Samantala, ayon sa report inihayag ng ilang transport group na aabot sa limang piso kada litro ng gasolina ang ipinangakong subsidiya ng pamahalaan.