Nanawagan sa Commission on Higher Education ang mga grupo ng guro at kabataan na pahabain pa ang panahon ng pagtanggap ng state universities and colleges ng senior high school students.
Ayon sa National Parents-Teachers Association Philippines Lito Senieto, nangangamba sila sa kahandaan ng mga public high schools na tumanggap ng mga dagdag na estudyante.
Humihiling din ang Teachers Dignity Coalition at Samahan ng Progresibong Kabataan na pahabain sana ang transition ng K-12 program kung saan pinapayagan ang alok ng SHS program sa SUCs at LUCs.
Sinabi nila na kailangan ng sapat na panahon para tiyakin ang public senior high school ay may sapat na classroom, mga guro, pasilidad tulad ng laboratory at libraries para maiwasan ang siksikan na mag-aaral.
Hinikayat naman ng CHED ang mga presidente, at OIC na talakayin ang isyu na ito sa boards of regents o trustees dahil sila ang nagde-desisyon sa admission, retention, graduation policies ng kanilang paaralan.
Gayunman handa aniya ang CHED na pag-aralan ito at isangguni sa Department of Education kung kinakailangan.
Tiniyak naman ng DepEd na may sapat na classroom at pasilidad ang public senior high school para tanggapin ang mga lilipat mula sa SUCs at LUCs.
