SORSOGON CITY – Ipinatupad muna ang total ban sa sabong at operasyon ng mga cockpit sa lalawigan ng Masbate.
Sa ipinalabas na executive order ng gobernador na si Antonio Kho, ipinairal ang total ban simula noong Lunes, Mayo 17, 2021.
Nakasaad sa EO No.17 na itigil muna pansamantala ang operasyon ng sabong sa lalawigan dahil sa muling pag-atake ng mapanganib na coronavirus (Covid-19).
Kinansela rin ang ilang derbies sa cockpit arenas upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga sabungero, breeders at mga empleyado na nagtatrabaho sa sabungan.
Nakapalaman pa sa EO na mabilis magkahawaan ng Covid sa sabungan dahil mahirap dito maipatupad ang minimum health standard lalo na ang social distancing.
Kaugnay nito, inutusan ng gobernador ang municipal, city at barangay LGUs at miyembro ng PNP na striktong ipatupad ang nasabing Order.
