Muling makakaranas ng kalbaryo ang mga commuter dahil sa transport strike.
Imbes kasi na hanggang ngayong araw lang ang tigil-pasada, magiging hanggang Biyernes pa ito.
Ang strike na ikinasa ng PISTON ay susundan ng welga naman ng grupong MANIBELA.
Tulad ng grupong PISTON hiling din ng grupong MANIBELA ay ibasura ang paghain ng petition for consolidation sa Disyembre 31.
Gayun din ang mabigyan ng limang taong prangkisa ang mga miyembro at payagan ang rehabilitasyon ng jeepney, sa halip na bumili ng bagong sasakyan.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board spokesperson Celine Pialago, handa silang mag-adjust sa hiling ng mga transport group maliban na lang sa December 31 na wala ng urungan.
Sinabi pa ni Pialago, na ang bibigyan lang ng 5 taong prangkisa ay ‘yung ma-aprubahan ang inihain na petition for consolidation.
Pero handa naman ang ahensya na repasuhin ang omnibus franchising guidelines at tanggalin ang penalty ng mga drivers at operators na hindi makapagbayad ng conformation fee.
