Bagama’t itinuloy pa rin ng grupong PISTON at MANIBELA ang ikalawang araw na transport strike ngayong Marters, nanatiling normal ang sitwasyon ng mga biyahe ng mga pampasaherong jeep sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Sa lungsod ng Maynila at Pasig, ilan sa mga miyembro ng dalawang grupo ang balik-pasada na.
Ayon sa ilang tsuper, sapat na ang kanilang pakikilahok kahapon at kumpiyansa naman na silang naiparating na nila ang kanilang saloobin.
Kailangan na rin daw nilang bumalik sa pamamasada ngayong araw dahil sa takot na magutom ang kanilang pamilya kung wala silang mai-uuwing kita.
Sa kabila nito, naka-standby pa rin ang mga sasakyan ng dalawang Local Government Units para magkaloob ng Libreng Sakay sa mga pasaherong maaapektuhan ng ikalawang araw ng tigil-pasada.
Samantala, nanindigan naman ang MMDA na walang napaulat na stranded na mga komyuter ngayong umaga pero naniniwala rin ang transport group na sapat na ang suspensyon ng pasok na malaki ang naging epekto ng ng kanilang pagkilos para ibasura ang Public Transport Modernization Program.
GENERALLY PEACEFUL
Nananatiling mapayapa ang nagpapatuloy na tigil-pasada ng transport groups na PISTON at Manibela.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, base sa monitoring ng NCRPO ay ‘generally peaceful’ ang transport strike simula kahapon at walang namo-monitor na untoward incident .
Aniya, nasa 400 ang na-monitor nilang nakiisa sa tigil pasada kahapon habang 100 ang nakikilahok ngayong araw sa transport strike.
Kabilang sa mga mino-monitor ng pulisya ang Quezon City, Pasig, Pasay, Muntinlupa at Parañaque kung saan may mga nagtitipun-tipon na mga tsuper at operators.
Kaugnay nito, nag-deploy ng sapat na bilang ang PNP upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan kasunod nang isinasagawang tigil pasada.