Thirdy, Dwight pangungunahan ang Gilas pool sa FIBA ​​events sa Hulyo

Pangungunahan ng Japan-based professionals na sina Thirdy Ravena, Dwight Ramos, at Justine Baltazar ang Gilas Pilipinas pool na sasabak sa FIBA ​​events sa Hulyo.

Kinumpirma ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Deputy Executive Director Butch Antonio na tinawag na ng federation ang 15 players para sa pool, sa pagsisimula ng kanilang paghahanda para sa FIBA ​​World Cup Asian Qualifiers at FIBA ​​Asia Cup 2022.

Apat na manlalaro mula sa Ateneo de Manila University ang tinawag kabilang na sina SJ Belangel, Geo Chiu, Dave Ildefonso, at naturalized center Ange Kouame.

Kasama nila ang University of the Philippines cagers na nina Carl Tamayo at James Spencer.

Babalik sa Gilas pool si RJ Abarrientos ng Far Eastern University, na lumaban para sa pambansang koponan sa FIBA ​​Asia Cup qualifiers noong nakaraang taon. Bumalik din sina William Navarro at Francis Lopez, na parehong naglaro sa 31st Southeast Asian Games.

Sina Rhenz Abando ng Letran, Kevin Quiambao ng La Salle, at Sherwin Concepcion ng University of Santo Tomas ang kukumpleto sa pool.

Sasabak ang Gilas Pilipinas sa World Cup qualifiers na gaganapin sa Auckland sa Hulyo 1 at 3, gayundin sa FIBA ​​Asia Cup sa Jakarta, Indonesia mula Hulyo 12-24.