SORSOGON CITY – Mainit na sinalubong ng kanyang kababayan sa pangunguna ng LGU-Gubat ang semi-finalist winner ng ‘Tawag ng Tanghalan’ (TNT) na si Adrian Nebreja.
Si Nebreja ay dumating sa Bicol Internation Airport kaninang umaga, Enero 28 matapos na makapasok sa semi-finals ng TNT sa programang ‘It’s Showtime’ ng ABS-CBN.
Sinalubong ito ng ilang kawani ng LGU-Gubat at mainit na tinanggap ng alkalde ng Gubat sa kanyang opisina. Dakong ala-una ng hapon ay isang motorcade ang isinagawa sa nasabing singer.
Lubos naman ang pasasalamat ng singer sa kanyang mga kababayan at LGU sa mainit na pagtanggap sa kanya.
Sa kanyang mensahe, hiniling nito sa kanyang kababayan na patuloy na suportahan siya hanggang sa mga susunod pa niyang laban sa nasabing singing contest.

Si Nebreja ay pitong beses na sumabak sa laban upang madipensahan ang kanyang sunod-sunod na pagkapanalo bago ito nakapasok bilang semi-finalist.
Inawit nito ang ‘The Warrior is a Child’ na pinasikat ng singer na si Gary Valenciano.
Kung babalikan, bago pa man sumali sa TNT si Nebreja, ay naging finalist din ito sa ‘Karantahan’ ng 101.5 Brigada News FM-Sorsogon noong 2019.