CAMARINES NORTE – Nakaligtas ang tatlong mangingisda mula sa Barangay San Roque, Mercedes, Camarines Norte na ilang oras ding nagpalutang-lutang sa dagat makaraang lumubog ang sinasakyang bangka nang sila ay pumalaot sa may bahagi ng Pacific Ocean.
Batay sa spot report ng Philippine Coast Guard, pumalaot noong Lunes, Pebrero 19 ang mga mangingisdang sina Rolando Magana 62, Joselito Magana 47 at Richard Magana 20, nang sila ay abutan ng malalaking alon habang pauwi sa kanilang tahanan maghahatinggabi parehong araw dahilan para lumubog ang kanilang bangka.
Sa hiwalay na ulat naman ng Municipal Information Office, may narining umano ang mga ito na tila isang matigas na bagay na bumangga sa kanilang bangka dahilan para ito ay mabutas at pasukin ng tubig kaya unti- unti itong lumubog.
Sampung oras din silang nagpalutang- lutang sa dagat hanggang kinaumagahan Pebrero 20 ay may dumaang isang malaking bangka kaya sila na- rescue.
Naiwan umano na sa gitna ng dagat ang lumubog na bangka.
Nakausap na ni Mayor Alexander Pajarillo ang mga ito nang humarap sa opisina ng una at inilapit sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Kaugnay nito ay nagpaalala ang Alkalde sa lahat ng mga mangingisda na mag ingat at ugaliing makipag ugnayan sa mga kinauukulan bago pumalaot.
Importante din umano na mag handa ng mga survival kit gaya ng life jacket at communication gadgets.
