CAMARINES NORTE – Aabot sa 487, 462 Cam Norteños o 93. 11 % ng target population ang rehistrado na sa Philippine Identification System o Philsys hanggang noong Enero.
Batay ito sa ulat ng Philippine Statistics Authority na inilabas nitong Miyerkules, Pebrero 21.
Mula Enero 4 hanggang 12 ay bumisita ang PhilSys team sa iba’t- ibang eskwelahan at malalayong barangay ng Camarines Norte para magsagawa ng mobile registration.
Kabilang sa mga tinungo ng PhilSys team ay ang mga eskwelahan at ilang Barangay ng Sta Elena kung saan nasa 947 indibidwal ang nairehistro habang 603 ePhilIds ang naipamahagi.
Mula Enero 13 hanggang 20 ay nagtungo ang team sa Capalonga kung saan nakapagrehistro naman ito ng aabot sa 1, 132 indibidwal habang 718 ePhilIds ang naipamahagi.
Sa huling bahagi ng Enero ay sa Labo naman nagsagawa ng mobile registration ang PSA kung saan nasa 769 indibidwal ang nairehistro at 814 na ephilIds ang naipamahagi.
Patuloy din ang pag- iikot ng PhilSys on wheels para mairehistro ang mga hindi makakapunta sa mga registration center tulad ng senior citizens at Persons with Disability (PWD’S).
Ang mga lugar na tinungo ng PhilSys on wheels ay ang Barangay III sa Mercedes at Barangay San Francisco sa Talisay.
Walang report ang ahensiya kung ilang physical Id card na ang naiisyu lalo na sa mga matagal nang naghihintay nito.
Pero mula nang ito ay mag- isyu ng ePhilId noong nakaraang taon, nasa 242, 913 ePhilIds na ang naipamahagi sa mga taga Camarines Norte na maaaring magamit habang hinihintay ang physical ID card.
Ayon sa ahensiya, magpapatuloy ang PhilSys on wheels at mobile registrations sa pamamagaitan ng PhilSys team sa mga barangay at eskwelahan para palakasin ang National Identification Registration.
