Tatlong libong residente sa Leyte, nakatanggap ng ayuda at bigas mula sa Kamara

Pinangunahan ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez ang distribusyon ng cash assistance at bigas sa tatlong libong residente ng lalawigan ng Leyte.

Sa ilalim ng Cash and Rice Distribution o CARD program, tumanggap ang isanlibong benepisiyaryo ng tig-limanlibong piso at isanlibong pisong halaga ng bigas sa seremonyang ginanap sa Tacloban City.

Dalawang libong indibidwal din ang nabigyan ng mahigit apat na libong piso sa bayan ng Tolosa bilang suweldo sa ilalim ng TUPAD program ng DOLE kasunod ng sampung araw na pagtatrabaho.

Binigyang-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng naturang inisyatiba sa pagtataguyod ng kapakanan ng bawat komunidad at suporta sa pagbangon ng ekonomiya ng lalawigan.

Patunay aniya ang distribusyon ng ayuda ng commitment na pagsilbihan ang mamamayan ng Leyte at ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na stratehiya ng administrasyong Marcos na tugunan ang hamong kinahaharap ng mga Pilipino para maging matatag at tuluyang makaahon.

Ang parehong targeted assistance programs ay ipinatutupad din sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Binuo umano ang CARD upang maibsan ang bigat ng problemang pinansyal ng mga residente habang ang TUPAD ay nagkakaloob ng emergency employment para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, mga underemployed at seasonal workers.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *