NTF ‘very confident’ na mababakunahan 50% ng populasyon sa M.Mnl pagdating ng Sept

Positibo ang National Task Force Against COVID-19 na maaabot ang target na maprotektahan ang 50% ng populasyon sa Metro Manila sa Setyembre, sa gitna ng steady supply ng mga bagong COVID-19 vaccines.

Noong nakaraang linggo nang sabihin ni Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos na makakamit ng rehiyon ang “population protection” laban sa COVID-19 sa katapusan ng Setyembre ngayong taon, o mas maaga pa dito.

Mababatid na ang National Capital Region ay mayroong populasyon na 14 million.

Una nang ipinaliwanag ng Department of Health na ang pagprotekta sa populasyon ay nangangahulugan ng vaccination program na ipaprayuridad ng siyam na highly dense areas: Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Metro Cebu, at Metro Davao—o ang NCR+8.

Sinabi naman ni NTF spokesperson Ret. Gen. Restituto Padilla na gumaganda ang pagdating ng suplay ng bakuna, kung saan nagiging stable na ito at gumaganda rin ang pagtanggap ng mga kababayan sa vaccines.

Dahil dito, tiyak rin umano na maabot ng bansa ang 500,000 vaccination rate araw-araw. // MHEL PACIA-TRINIDAD