CAMARINES SUR – Halos hindi na madadaanan ngayon ang tabing-dagat sa bayan ng Pasacao, Camarines Sur dahil sa natipon na mga basura rito. Nagkalat ang mga bunot ng niyog, plastik, plastic bottles at iba pang mga patapong bagay.
Sa nakuhang impormasyon ng Brigada News FM Naga kay Councilor Junard Joel De Alday, karamihan sa mga ito galing sa iba’t-ibang barangay ng bayan at ang iilan naman ay mula sa kalapit na bayan na may baybaying dagat tulad ng Libmanan, San Fernando, Minalabac at Quezon Province. Paliwanag ng opisyal, maaaring inanod ang mga ito papunta sa kanilang bayan dahil mahigpit naman nilang ipinagbabawal ang pagtatapon ng mga basura lalo na sa dagat. Maaari ring ang mga bunot ng niyog na nasa tabing-dagat ay nanggaling pa sa mga bukirin ng bayan.
Aniya, imposible ring galing ito sa dumpsite dahil matagal na nila itong hindi pinapatapunan ng basura dahil sa batas na nagbabawal sa mga open dumpsite. Maging ang “No Segregation, No Collection” policy ay mahigpit din nilang ipinapatupad. Gustuhin man nilang magsagawa ng clean up drive ngayon, hindi pa nila ito maisakatuparan dahil sa sama ng panahon. Umaasa naman ang konsehal na magkaroon na ng displina ang mga residente sa paulit ulit nilang pakiusap hinggil sa pagtatapon ng basura.