SORSOGON CITY – Sa binti lang sana babarilin ng pulis ang isang ‘takas’ para supilin ito dahil sa panlalaban habang inaaresto subalit nahagip pati eskrotum nito.
Agad na itinakbo sa ospital ang suspek na si Gilbert Hugan Tamis, 26-anyos, binata, negosyante at naninirahan sa Brgy Labigan, Pio V. Corpus, Masbate.
Una rito, si Tamis na may kasong paglabag sa iligal na droga ay tumakas sa detention facility ng Meycauyan City Police Station, Bulacan.
Nakorner ito sa Sitio Cabintay, Brgy Buenasuerte, Pio V Corpus subalit habang inaaresto ay bumunot ito ng patalim at biglang inundayan ng saksak ang isa sa arresting officer na si PMSgt Jeffrey Ortega.
Gumanti ang pulis at binaril ang suspek sa binti subalit natamaan pati ang ‘scrotum’ nito.
Narekober pa sa backpack ng suspek ang isang kalibre 38 na rebolber na kargado ng tatlong bala.

Sa pahayag sa Brigada News ng hepe ng Pio V Corpus na si PLt Melanie Morado, nakalabas na umano ng ospital si Tamis at kasalukuyang nakapiit sa kanilang custodial facility.
Dagdag pa ni PLt Morado, ang suspek ay sinampahan pa nila ng kasong paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms, direct assault at paglabag sa Art. 151 ng Revised Penal Code (RPC) o Resistance and Disobedience to a person in Authority.
Na-inquest na ang akusado at hinihintay na lang ng PNP- Pio V Corpus ang mga personahe ng Meycauyan Police para sunduin ang kanilang ‘detainee’ para maibalik sa kanyang court of origin.