SORSOGON CITY – Inirekomenda ng isang konsehal ng Sorsogon City na magkaroon ng pagsasaayos ng mga tahungan sa lungsod at ibatay ang pagkakapuwesto nito depende sa teritoryong sakop ng bawat barangay.
Ito ay bilang pagtugon sa problema ng mga magtatahong sa Barangay Cambulaga, kung saan ilan sa mga tahungan nito na nakapuwesto lagpas sa boundary ng Barangay Bitan-o ay napeperwisyo umano ng mga compressor.
Sa pamamagitan ng paglagay ng mga tahungan sa tamang lokasyon ng karagatan ay inaasahan na maiiwasan ang pagkakalapastangan sa territoryo ng bawat barangay at maiiwasan ang pag-aagawan ng mga produkto.
Inaasahan na sa ganitong paraan ay matitigil na ang alitan sa mga barangay na pangingisda ang pangunahing hanapbuhay.
Una nang inireklamo ng mga may ari ng tahungan sa Brgy Cambulaga ang mga gumagamit ng air compressor na mangingisda ng Brgy Bitan-o.
Samantala, nananatiling tutol ang Maritime Police sa paggamit ng air compressor sapangingisda, ito ay sa kabila ng umiiral na pagpapahintulot sa paggamit ng naturang ekipahe sa pangingisda sa lungsod ng Sorsogon.
Sa panayam ng Brigada News kay Regional Affairs and Development and Public Information Officer PMSgt. Larry Ayende, sinabi nito na batay sa umiiral na batas, ipinagbabawal ang paggamit ng compressor sa pangingisda dahil nakukompromiso nito ang kalusugan ng mga mangingisda.
Ayon pa kay Ayende, unang-una ang hinihigop nilang hangin mula sa compressor ay hindi malinis, papasok ito sa kanilang baga at kadalasang nagdudulot ng depekto sa utak ng tao.
Gayunpaman, dahil pinapayagan ito ng lokal na gobyerno sa lungsod ng Sorsogon mungkahi ng opisyal na dapat magkaroon ng maayos na guidelines hinggil dito.
PHOTO: Google

