“The damage has been done”.
Iyan ang iginiit ni Tagum City Mayor Rey Uy nang tanungin kung handa ba siyang patawarin si dating House Speaker Pantaleon Alvarez sakaling humingi ito ng paumanhin sa mga salitang binitawan.
Sa panayam sa Kamara, sinabi ni Uy na “best friend” niya si Alvarez ngunit hindi nito makayanan ang mga pahayag ng kongresista lalo na sa isang rally kung saan pinababawi sa Armed Forces of the Philippines ang suporta kay Pangulong Bongbong Marcos.
Hindi aniya maaaring gamitin ang “freedom of speech” dahil hindi ito absolute at hindi basta-basta dapat naglalabas ng masasamang pahayag laban sa public officials.
Nilinaw din ni Uy na walang bahid-pulitika ang pagsasampa niya ng ethics complaint laban kay Alvarez at walang sinuman ang nag-udyok sa kanya bagama’t suportado ng ilang konsehal sa Tagum ang kanyang hakbang.
Nanindigan naman ang alkalde na dapat patalsikin bilang miyembro ng Kamara ang kaibigan.
Sa Lunes, May 20 ay nakatakdang dinggin ng House Committee on Ethics and Privileges ang dalawa sa tatlong reklamo laban sa kinatawan ng unang distrito ng Davao del Norte matapos ibasura ang alegasyon ng laging pag-absent sa Batasan Complex.