Matagumpay ang ginanap na soft opening ceremony ng muling pagbubukas sa publiko ng Tabon Cave Complex at Lipuun Point sa Quezon, Palawan noong araw ng Huwebes, ika-1 ng Pebrero 2024.
Dumalo sa nasabing programa si Palawan Provincial Governor Victorino Dennis M. Socrates, mga board members, mga opisyal ng LGU ng Quezon, kasama ang mga guro at estudyante mula sa bayan.
Kasama rin sa programa sina Director General ng National Museum of the Philippines na si Jeremy Barns at si Dr. Ivan Anthony S. Heranes, ang Secretary General ng UNESCO National Commission of the Philippines, upang maging mga saksi sa nasabing programa.
Nagbigay ng iba’t ibang mensahe ang mga ito kaugnay ng muling pagbubukas nito sa mga turista, ang pagpapalakas pa ng sektor ng turismo sa bayan at sa buong lalawigan, at ang posibilidad na maisama ito sa listahan ng UNESCO World Heritage Site bilang isa sa mga makasaysayang at prestihiyosong kweba sa Pilipinas.