NAGA CITY- Matapos ang isang buwan pormal nang naisampa ang kasong Robbery with Homicide sa suspek sa pagpatay sa 17-anyos na si Roselle Bandojo ng Naga City.
Ayon kay Mayor Son Legacion, base man sa autopsy report walang ebidensya ng panggagahasa.
Kaninang umaga tumungo sa City Prosecutor’s Office ang Task Force na binuo upang tutukan ang kaso. Pinangunahan ito ni Agent Joey Ajero ng National Bureau of Investigation (NBI) at PCOL. Nelson Pacalso , City Director ng Naga City Police Office (NCPO) kasama si dating PNP Bicol Regional Director Coun. Gen. Omar Buenafe na siyang Task Force Bandojo Head at ang ina ng biktima na si Juvy gayundin ang isang testigo.
Sa pagharap sa media ni Agent Ajero , pinangalanan nito ang suspek na si Lorenzo Purisima alyas “ENZO” ng Barangay Liboton, Naga City. Pag-aaralan ng piskalya ang lahat ng mga ebidensya ng complainant. Aminado si Ajero na medyo natagalan ang case filing, ito aniya ay dahil sa siniguro nila na matibay ang kaso.
Ayon naman kay PCOL. Pacalso, malaki ang naging papel ng task force sa pagresolba sa Bandojo slay case. Laking pasasalamat nito sa mga kasama sa puwersa at sa lahat na naging daan. Gayunpaman patuloy ang proseso upang makamit ang hustisya, si Purisima may karapatan din na magsalita para sa kaniyang sarili oras na maaresto kung magkakaroon na ng warrant of arrest.
Nitong mga nagdaang gabi sunod-sunod ang prayer vigil sa lugar kung saan nakuha ang bangkay ng dalagita sa Barangay Liboton.
Mababatid na Hulyo 22, 2023 ng gabi huling nakita sa CCTV ang Grade 11 Student galing sa isang convenience store, may dalang payong, naka puting tshirt, black jogging pants at naka tsinelas. Matapos bumili ng pagkain, hindi ito nakauwi sa kanilang tahanan na hindi naman kalayuan sa lugar.
Hulyo 28 nang matagpuan ang naaagnas na bangkay nito sa bakanteng lote sa Barangay Liboton. Hulyo 29 , sa napakabigat na kalooban kinumpirma ng pamilya na ito nga ang estudyanteng ilang araw nang nawawala.
Panangalin ng pamilya makamit ang tunay na hustisya.