KORONADAL CITY- TINANGGAL na sa red zone category ng African Swine Fever o ASF ang bayan ng Surallah sa lalawigan South Cotabato . Ito ay batay sa pinakahuling Bantay ASF National Updates noong June 14.
Sa ngayon, upgraded na sa pink zone ang ASF status ng Surallah matapos na noong September 2022 pa naitala ang pinakahuling ASF case nito at hindi na nadagdagan pa dahil na rin sa mga hakbang na ipinatupad ng LGU.
Dahil dito, maaari nang makapagsimula ng sentineling process ang LGU na pre-requirement para sa repopulation.
Kamakailan lamang, lumagda na sa Memorandum of Agreement o MOA si Surallah Mayor Pedro Matinong Jr at DA 12 OIC Regional Executive Director John Pascual para sa Community Based Swine Production Through Clustering and Consolidated Project sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion o INSPIRE Program ng DA.
Layon nito na maparami muli ang produksyon ng baboy at supply ng karne, at matulungan ang mga hog raisers na labis na naapektuhan ng ASF.
