CATANDUANES—Inihayag ng First Catanduanes Electric Cooperative o FICELCO na balik na sa normal at magiging sapat nang muli ngayong buwan ang suplay at daloy ng kuryente sa lahat ng kanilang mga member consumers.
Ayon kay Marvin Tapel , ang Information Officer ng nasabing kooperatiba, sapat at hindi na magkukulang ang kanilang power supply dahil natapos na ang isinagawang Preventive Maintenance Schedule ng National Power Corporation o NPC sakanilang 3.6 megawatts Daihatsu Genset.
Muli na umano itong pinaandar nitong katapusan ng Agosto kaya’t nasisiguro ng FICELCO na hindi na o malimit na lamang na mararanasan ng mga member consumers ang pag brown out at mga power interruptions.
Ganunpaman sinabi ng opisyal na hindi pa rin naaayos ang tatlong makina ng SUWECO ngunit magiging sapat pa rin ang power supply sa buong lalawigan dahil sa isinagawang maintenance ng NPC.
Kung sakali man na makaranas ng mga biglaang pagkawala ng kuryente, ito aniya marahil ang tinatawag na ‘unexpected power interruption’ na handa namang respondehan ng kanilang mga nakaantabay na linemen.###