LEGAZPI CITY – Umabot na sa kabuuang bilang na 553 ang mga pasaherong stranded ngayong araw sa bayan ng Pio Duran, Albay dahil sa Bagyong “Egay”.
Ito ay batay sa pinakahuling ulat ng Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kaugnay ng paglagay sa buong lalawigan sa ilalim ng Signal No. 1 dahil sa nasabing bagyo.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay MDRRMO head Noel Ordoña, sinabi niya na sa kanilang datos, 54 delivery trucks ang stranded, 53 light vehicle at 13 mga motor.
Ayon kay Ordoña, nananatili pa rin sa port area ang kanilang mga tauhan upang mag-monitor at bilangin ang mga dumarating dahil dumaragdag pa ang mga pasahero.
Bagama’t tumitila kahit papaano ang mga pag-ulan, inaasahan pa rin aniya ang malalakas na pag-ulan sa lugar sa mga susunod na oras.
Samantala, tinyak naman ni Ordoña na gumagawa ng paraan ang LGU upang hindi mapabayaan ang mga stranded na mga pasahero.
Chini-check na rin umano ang stockpile ng mga ayuda na inilaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol para magamit sa ganitong mga sitwasyon.
Kasalukuyang nakataas sa Signal No. 1 ang lalawigan, paalala ni Ordoña, patuloy na mag-monitor sa anunsyo ng kanilang tanggapan maging ng PAGASA.