CAMARINES NORTE- Ibinida ng Social Security System (SSS) ang tumaas na delinquency collection sa Bicol Region ngayong 2022.
Sa isinagawang Press Conference noong Biyernes, July 29 kasabay ng isinagawang Run After Contribution Evaders (RACE) campaign sa bayan ng Daet inihayag ni Luzon- Bicol Division Vice President Elenita Samblero na sa target na P50 million para sa taong 2022 ay nakakolekta ang SSS ng P70. 41 million o 134 percent na increase as of June 2022 kumpara sa target noong 2021.
Nangangahulugan umano ito na naging epektibo ang ahensiya sa kanilang campaign collection sa delinquent account.
Matatandaan na anim na delinquent employer sa bayan ng Daet ang isinailalim sa RACE campaign noong nakaraang linggo.
Pero ayon kay Atty Ma. Charissa Oliver- Velasco, Acting Head ng Luzon- Bicol Legal Department mula Enero hanggang Hulyo nitong taon 14 na delinquent employers mula sa Daet ang iniakyat sa legal department.
Sa buong Bicol ay mayroon namang 158 na demand letter silang naisyu mula Enero hanggang Hulyo 28 nitong taon.
Sa bilang na ito 59 na ang nag settle na at nagbayad ng full payment o nag- installment habang walo naman ang nasampahan ng kaso.
Paglilinaw ni Velasco na bagamat walang shame campaign ang SSS sa mga employer na non- compliant sa batas ay hindi aniya nangangahulugan na hindi na sila dapat mag comply.
Sa buong Bicol ay sampung kaso ang isinampa laban sa non- compliant employer hanggang noong Hulyo 28 at apat naman dito ang nag- settle na.
